Our Lady Of Medjugorje
Messages From 2006 In Tagalog
Pahayag sa Ika-25 ng Enero 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo upang maging tagapagdala ng Ebanghelyo sa inyong mga pamilya. Huwag ninyong kalilimutan, munti kong mga anak, na basahin ang Sagradong Salita. Ilagay sa lugar na makikita at saksihan ng inyong mga buhay na kayo'y mga naniniwala at namumuhay sa Salita ng Diyos. Malapit ako sa inyo sa aking pagmamahal at namamagitan ako sa harap ng aking Anak para sa bawa't isa sa inyo. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 01/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Pebrero 2006 "Mahal kong mga Anak! Sa panahon ng mabiyayang Kuwaresma, nananawagan ako sa inyong buksan ang inyong mga puso sa mga kaloob na nais ibigay sa inyo ng Diyos. Huwag ninyong ipinid ang inyong mga sarili, kundi sa pamamagitan ng mga panalangin at pagtakwil sa masasamang gawi, umayon kayo sa Diyos at bibigyan Niya kayo ng kasaganahan. Tulad ng tagsibol, nakabukas ang daigdig sa mga binhi na nagbibigay daan sa walang hangganang bunga, gayun din ang inyong Ama sa langit ay bibigyan kayo ng labis-labis. Ako ay sumasainyo at minamahal ko kayo, munti kong mga anak, ng magiliw na pagmamahal. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 02/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Marso 2006 "Katapangan, munti kong mga anak! Pinili kong akayin kayo sa landas ng kabanalan. Iwaksi ang mga kasalanan at magtungo sa landas ng kaligtasan, ang landas na pinili ng aking Anak. Sa pamamagitan ng inyong mga pagsusubok at paghihirap, ang Maykapal ang siyang tutuklas para sa inyo ng daan tungo sa kasiyahan. Samakatuwid, munti kong mga anak, kayo ay manalangin. Kami ay nalalapit sa inyo sa pamamagitan ng aming pagmamahal. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 03/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Abril 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo na magtiwala sa akin at sa aking Anak. Pinagtagumpayan Niya ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay at sa pamamagitan ko ay tinatawagan Niya kayo upang maging bahagi ng Kanyang kasiyahan. Hindi ninyo nakikita ang Diyos, munti kong mga anak, nguni't kung kayo'y mangagdarasal ay mararamdaman ninyo na Siya'y nalalapit lamang. Ako ay sumasainyo at namamagitan sa harap ng Diyos para sa inyong lahat. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 04/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Mayo 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay nananawagan ako na isagawa at mamuhay kayo ayon sa mga ibinigay kong mga tagubilin sa inyo. Pagpasyahan ang kabanalan, munti kong mga anak, at isipin ang kalangitan. Sa ganitong pamamaraan lamang kayo magkakaroon ng kapayapaan sa inyong mga puso na sinoman ay walang makalilipol. Ang kapayapaan ay isang handog na ikinakaloob sa inyo sa pamamagitan ng panalangin. Munti kong mga anak, hanapin at gamitan ng buo ninyong lakas na manaig ang kapayapaan sa inyong mga puso at sa buong sandaigdigan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 05/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Hunyo 2006 "Mahal kong mga Anak! Ng may malaking kagalakan, ako ay nagpapasalamat sa lahat ng mga panalangin, na sa mga panahong ito, ay iniaalay ninyo para sa aking intensiyon. Alamin ninyo, munti kong mga anak, na ito ay hindi ninyo pagsisisihan, kayo at kahit pa man ng mga anak ninyo. Kayo ay gagantimpalaan ng Diyos ng mahihigit na biyaya at makakamtan ninyo ang buhay na walang hanggan. Ako ay nalalapit lamang sa inyo, at salamat sa lahat ng tumanggap ng aking mga pasabi sa buong panahong ito, sa mga nagbuhos ng aking mga mensahe sa kanilang mga buhay at nagpasiya ng kabanalan at kapayapaan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 06/2006
Ang mapangitaing si Ivanka Ivankovic-Elez ay nagkaroon ng regular niyang pangitain noong ika-25 ng Hunyo, 2006
Ayon sa mga mapangitain, sina Vicka, Marija at Ivan ay patuloy pa ring nagkakaroon ng pangitain araw-araw, at sina Mirjana, Ivanka and Jakov ay nagkakaroon ng pangitain minsan kada isang taon.
Sa huli niyang pangitain noong ika-7 ng Mayo 1985, ipinagkatiwala ng Ating Ina kay Ivanka ang ikasampung lihim at sinabi Niya dito na siya ay magkakaroon ng pangitain minsan isang taon sa anibersaryo ng mga pangitain. Gayun ang nangyari nitong taon na ito. Tumagal ang pangitain ng pitong minuto. Nagkaroon ng pangitain si Ivanka sa kanyang tahanan sa harap ng kanyang pamilya, ng kanyang asawa at tatlong anak. Ibinigay ng Ating Ina ang mga sumusunod na mensahe:
"Mahal kong mga anak, Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan. Manalangin, manalangin, manalangin."
Masaya ang Ating Ina at nagsalita ng patungkol sa ikapitong lihim.
Pahayag sa Ika-25 ng Hulyo 2006 "Mahal kong mga Anak! Sa panahong ito, huwag ninyong isipin ang katiwasayan ng katawan lamang subali't, munti kong mga anak, hanapan din ng oras ang para sa kaluluwa. Nawa'y sa katahimikan ay magpahayag sa inyo ang Espiritu Santo at hayaan ninyo Siyang hikayatin at baguhin kayo. Ako ay sumasainyo at sa harap ng Diyos ay namamagitan para sa bawa't isa sa inyo. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 07/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Agosto 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo upang manalangin, manalangin, manalangin. Sa pamamagitan lamang ng panalangin kayo mapapalapit sa akin at sa aking Anak at makikita ninyo kung gaanong kaiksi ang buhay. Sa inyong mga puso ay isisilang ang hangarin ng kaluwalhatian. Ang kagalakan ay magsisimulang maghari sa inyong mga puso at ang panalangin ay aagos na parang ilog. Sa inyong mga pananalita ay panay lamang mga pasalamat sa Diyos para sa Kanyang paglalang sa inyo at ang pagnanasa ninyo sa kabanalan ay magiging katotohanan para sa inyo. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 08/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Septyembre 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ako ay sumasainyo at tinatawagan ko kayong lahat na lubusin ang pagbabagong-loob. Piliin ang Diyos, munti kong mga anak, at makikita ninyo sa Diyos ang kapayapaang hinahanap ng inyong mga puso. Tularan ang buhay ng mga taong banal at nawa'y maging mga halimbawa sila sa inyo; at ako naman ay magbibigay-diwa sa inyo habang pinahihintulutan ako ng Makapangyarihang Diyos na sumainyo. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 09/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Oktubre 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon ay pinahihintulutan ako ng Panginoon na ipaalam muli sa inyo na kayo ay nabubuhay sa panahon ng biyaya. Hindi ninyo namamalayan, munti kong mga anak, na binibigyan kayo ng Diyos ng malaking pagkakataon na magbagong-loob at mamuhay ng mapayapa at sa loob ng pagmamahalan. Kayo ay bulag at nakakapit sa mga bagay na makalupa at iniisip lamang ang buhay na makamundo. Isinugo ako ng Diyos upang akayin kayo sa buhay na walang-hanggan. Ako, munti kong mga anak, ay hindi napapagod, nguni't nakikita ko na ang inyong mga puso ay mabigat at pagod sa lahat ng biyaya at handog. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 10/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Nobyembre 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo upang manalangin, manalangin, manalangin Munti kong mga anak, kapag kayo ay nangagdarasal, nalalapit kayo sa Diyos at ibinibigay Niya sa inyo ang pag-aasam ng walang hangganan. Ito ang panahon na kinakailangan ninyong higit na pag-usapan ang tungkol sa Diyos at gumawa ng higit pa para sa Diyos. Samakatuwid, munti kong mga anak, huwag ninyo Siyang labanan at sa halip ay hayaan ninyo Siyang akayin kayo, baguhin kayo, at patuluyin sa inyong buhay. Huwag ninyong limutin na kayo ay mga manlalakbay na tumutungo sa buhay na walang hanggan. Kaya nga, munti kong mga anak, hayaan ang Diyos na matnubay sa inyo tulad ng patnubay ng isang pastol sa kanyang kawan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 11/2006
Pahayag sa Ika-25 ng Disyembre 2006 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay dala-dala ko sa inyo pangko sa aking bisig ang bagong-silang na si Jesus. Siya na Hari ng Kalangitan at kalupaan, Siya ang inyong kapayapaan. Munti kong mga anak, wala nang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan kundi Siya na Hari ng Kapayapaan. Samakatuwid, purihin Siya sa inyong mga puso, piliin Siya at katutuwaan Niya kayo. Babasbasan Niya kayo ng biyaya ng kapayapaan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 12/2006
ANG TAUNANG PAGPAPAKITA KAY JAKOV SA IKA-25 NG DISYEMBRE, 2006
Sa huling araw-araw na pagpapakita kay Jakov Colo noong ika-12 ng Setyembre, 1998, sinabi sa kanya ng Ating Ina na magmula noon siya ay pagpapakitaan minsan isang taon, tuwing ika-25 ng Disyembre, sa araw ng Kapaskuhan. Gayun din ngayong taong ito. Ang pangitain ay nagsimula ng 3:32 ng hapon at tumagal ng 6 na minuto.
"Ngayon ay dakilang araw ng kasiyahan at kapayapaan. Magdiwang kayong kasama ko. Munti kong mga anak, sa katangi-tanging paraan, tinatawagan ko ang kabanalan sa inyong mga pamilya. Hinahangad ko, munti kong mga anak, na bawa't pamilya ay maging banal at ang kasiyahan at kapayapaan ng Diyos, na ibinibigay sa inyo ng Diyos sa di-pangkaraniwang paraan, ay siya sanang maghari at manirahan sa inyong mga pamilya. Munti kong mga anak, buksan ang inyong mga puso ngayong araw na ito ng biyaya, piliin ang Diyos at ipagpa-una siya sa lahat ng bagay sa inyong mga pamilya. Ako ang inyong Ina. Mahal ko kayo at ibinibigay sa inyo ang Maka-inang Biyaya."
Last Modified 12/30/2006