Our Lady Of Medjugorje
Messages From 2007 In Tagalog
Pahayag sa Ika-25 ng Enero 2007 "Mahal Kong Mga Anak! Ilagay ang Banal na Kasulatan sa dakong madaling makita ng inyong pamilya at basahin ito. Sa ganitong pamamaraan, matututunan ninyo sa inyong mga puso ang mga panalangin at masasaisip ninyo palagi ang Diyos. Huwag ninyong kalilimutan na dumadaan lamang tayo na parang mga bulaklak sa bukid, na nakikita mula sa malayo nguni't naglalaho sa paglipas ng maiksing saglit. Munti kong mga anak, mag-iwan ng tanda ng kabutihan at pagmamahalan sa bawa't inyong pagdaan at babasbasan kayo ng Diyos ng labis-labis Niyang biyaya. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 01/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Pebrero 2007 "Mahal Kong Mga Anak! Buksan ang inyong mga puso sa habag ng Diyos ngayong panahon ng Mahal na Araw. Hinahangad ng ating Ama sa Kalangitan na iligtas tayong lahat sa mapang-aliping kasalanan. Samakatuwid, munti kong mga anak, gamitin ng tama ang panahong ito at sa pamamagitan ng pakikipagkita sa Diyos sa pangungumpisal, iwanan ang kasalanan at pagpasyahan ang kabanalan. Gawin ito ng dahil sa pagmamahal kay Hesus na tumubos sa inyong lahat sa pamamagitan ng Kanyang Dugo, upang kayo ay maging masaya at mapayapa. Huwag ninyong kalilimutan, munti kong mga anak: ang inyong kalayaan ay siya ninyong kahinaan, samakatuwid ay sundin ang aking mga pahayag ng may kahalagahan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 02/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Marso 2007 "Mahal kong mga Anak! Nais kong pasalamatan kayo mula sa aking puso sa lahat ng inyong mga tinalikuran ngayong Mahal na Araw. Nais kong pukawin ang inyong mga kalooban na ipagpatuloy ang pag-aayuno ng may bukas na puso. Sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagtatakwil, munti kong mga anak, mas lalakas ang inyong paniniwala. Sa Diyos ay matatagpuan ninyo ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pagdarasal araw-araw. Ako ay sumasainyo at hindi ako napapagod. Ninanais kong isama kayo lahat sa akin sa Kalangitan, kung kaya piliin araw-araw ang kabanalan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 03/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Abril 2007 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo na magbagong-loob. Buksan ang inyong mga puso. Ito ay panahon ng biyaya habang ako ay sumasainyo, gamitin ito sa tama. Sabihin ninyo: 'Ito ang panahon para sa aking kaluluwa.' Ako ay sumasainyo at minamahal ko kayo ng walang hangganang pagmamahal. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 04/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Mayo 2007 "Mahal kong mga Anak! Samahan ninyo akong manalangin sa Espiritu Santo upang akayin Niya tayo sa pagsasaliksik natin sa kalooban ng Diyos patungo sa ating kabanalan. At kayo na siyang malayo sa panalangin, magbagong-loob, at sa katahimikan ng inyong mga puso, hanapin ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa at hubugin ito ng panalangin. Isa-isa ko kayong ipinagpapala ng maka-ina kong biyaya. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 05/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Hunyo 2007 "Mahal Kong Mga Anak! Gayon din sa araw na ito, ng may malaking kagalakan sa aking puso, tinatawagan ko kayo na magbagong-loob. Munti kong mga anak, huwag ninyong kalilimutan na kayo ay mahalaga sa dakilang planong ito, na pinangungunahan ng Diyos sa pamamagitan ng Medjugorje. Ninanasa ng Diyos na baguhin ang kalooban ng mundo at tawagin ito sa kaligtasan at sa daan patungo sa Kanya, Siya na simula at wakas ng lahat ng nilalang. Sa katangi-tanging paraan, munti kong mga anak, mula sa kaibuturan ng aking puso, tinatawagan ko kayo na buksan ang inyong kalooban sa dakilang grasya na ibinibigay sa inyo sa pamamagitan ng pagharap ko dito. Nais kong pasalamatan kayong lahat sa mga sakripisyo at panalangin. Ako ay sumasainyo at binabasabasan ko kayong lahat. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 06/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Hulyo 2007 "Mahal kong mga Anak! Ngayon, sa araw ng Patron ng inyong Parokya, tinatawagan ko kayo upang tularan ang buhay ng mga Banal. Nawa'y maging mga halimabawa sila para sa inyo at mga tagapagpalakas ng loob tungo sa buhay ng kabanalan. Ang mga dalangin nawa ay maging tulad ng hangin na inyong hinihinga at hindi isang pasanin. Munti kong mga anak, ipagtatapat sa inyo ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at mararanasan ninyo ang kasiyahan na kayo ay minamahal. Babasbasan kayo ng Diyos at bibigyan Niya kayo ng masaganang biyaya. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 07/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Agosto 2007 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayo na magbagong-loob. Nawa'y ang inyong buhay, munti kong mga anak, ay maging anino ng kabutihan ng Diyos at hindi ng kapootan at kataksilan. Manalangin, munti kong mga anak, na ang panalangin ay maging buhay para sa inyo. Sa pamamagitan nito, matutuklasan ninyo sa buhay ninyo ang kapayapaan at kagalakan na ibinibigay ng Diyos sa may mga bukas na puso sa Kanyang pagmamahal. At kayo na malalayo sa awa ng Diyos, magsipagbagong-loob kayo upang hindi maging bingi sa panalangin ninyo ang Diyos at upang hindi pa maging huli ang lahat. Samakatuwid, sa panahong ito ng biyaya, magbagong-loob kayo at ipanguna ang Diyos sa inyong buhay. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 08/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Septyembre 2007 "Mahal kong mga Anak! Ngayon din ay tinatawagan ko kayong lahat upang pagliyabin ang inyong mga puso ng may masigasig na pagmamahal sa Ipinako, at huwag ninyong kalilimutan na, dahil sa pagmamahal sa inyo, ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang kayo ay mailigtas. Munti kong mga anak, kayo ay magnilay-nilay at manalangin na ang inyong mga puso ay magbukas sa pagmamahal ng Diyos. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 09/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Oktubre 2007 "Mahal kong mga Anak! Pinadala ako ng Diyos sa piling ninyo upang mapatnubayan ko kayo patungo sa landas ng kaligtasan. Marami sa inyo ang nagbukas ng kanilang mga puso at tumanggap ng aking mga balita, nguni't marami ding mga nangawala sa landas na ito at hindi nakakakilala sa Diyos ng pag-ibig sa kabuuan ng kanilang puso. Samakatuwid, tinatawagan ko kayo upang maging pag- ibig at ilaw kung saan may kadiliman at kasalanan. Ako ay sumasainyo at nagbabasbas sa lahat. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 10/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Nobyembre 2007 "Mahal kong mga Anak! Ngayong ipinagdiriwang ninyo si Kristong Hari ng lahat ng nilalang, ninanais ko para sa Kanya na maging Hari din Siya ng inyong mga buhay. Sa pamamagitan ng pagbibigay, munti kong mga anak, ay mauunawaan ninyo ang sakripisyong inialay ni Hesus sa Krus para sa bawa't isa sa inyo. Munti kong mga anak, maglaan kayo ng panahon para sa Diyos upang mapagbago Niya kayo at upang punuin Niya kayo ng grasya, nang kayo naman ay maging biyaya rin para sa iba. Para sa inyo, munti kong mga anak, ako ang kaloob na biyaya at pagmamahal, na nagmumula sa Diyos para sa mundong ito na walang katahimikan. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 11/2007
Pahayag sa Ika-25 ng Disyembre 2007 "Mahal kong mga Anak! Nang may malaking kagalakan, inihahandog ko sa inyo ang Hari ng Kapayapaan upang kayo ay mabasbasab ng kanyang mga biyaya. Purihin Siya at bigyang-oras ang ang Maylikha na isinasamo ng inyong mga puso. Huwag ninyong kalilimutan na dumaraan lamang kayo sa mundong ito at habang ang lahat ng bagay ay makapagbibigay sa inyo ng mga munting ligaya, sa pamamagitan ng aking Anak ay mapapasainyo naman ang buhay na walang hanggan. Kaya ako ay sumasainyo, upang akayin kayo sa landas patungo sa isinasamo ng inyong mga puso. Salamat sa pagtugon ninyo sa aking panawagan." 12/2007
Last Modified 01/04/2008